Sinderelang Serenata, esmeralda at granate,
Di ka takas na sonata sa sepulkrong alas-dose;
Manapa, sa sinisera ng sandali ay impante
Kang gumigitaw, sakay-wari ng sagradong elepante.
Kapagkuwan, sumibol ka at sumayaw sa estante
Ng retina, at sa diwa ay nagsinsil ng brilyante.
Ngayo'y oras ng paglalang, habang titig ng bitui'y
Labahang inmakulada sa planeta at sa dilim
Ng lunggati-lalo't uhaw bawat letrang isapapel,
At lapida bawat bantas. Bombilya man ay kulimlim,
Makinilyang nanlalamig ay kandilang kalawangin
Sa ngiti mo, naliligo ng asido at pormalin.
Pintig-pantig ka sa gayon, Sinderelang Serenata,
Kaulayaw ko kung gabi'y makulubot na kubyerta
At ang buwang nakalente ay may uban na sa mata.
Eskalera ng estropa at imaheng largabista
Ang handog mo; at sa tinig na may tanso ng trumpeta
Ang puso ko'y nilulunod sa posporo at bendita.
Esmeraldang pangitain at granateng kahel-anghel;
Rebelasyon-ebolusyo't rebolusyong inistensil
-Sa taludtod; tsokolate at aromang butil-butil
Na umapaw sa pandiwa at pang-uring nagdidildil.
Sa piling mo, ang pagtula ay kemika ng hilahil
Habang ako'y pasa-limbo sa palanking hasmi't nikel.
Diwa ngayon, kahit sigsig ng rayuma't dinisyembre,
Metapora ng tagsibol ang kindat mong kinoryente;
Sa pag-usad ng sandali sa magrasang engranahe,
May minutong adarna ka at naroong maging tigre
Nang linyang mabanghay ko'y naging kristong inespinghe.
Metamorposis
Mga Nota ng Isang Serenata sa
Kaibuturan ng Gabing-Disyembre
Virgilio Almario
No comments:
Post a Comment