Saturday, December 26, 2009

Awit ng Pag-ibig xx

Maisusulat ko ang pinakamalungkot na berso ngayong gabi.

Maisusulat ko, halimbawa: "Mabituin ang gabi
at nanginginig, bughaw ang mga tala sa malayo."

Lumiligid sa langit ang simoy-gabi at umaawit.

Maisusulat ko ang pinakamalungkot na berso ngayong gabi.
Minahal ko siya, at minahal din niya ako paminsan-minsan.

Sa mga gabing ganito, ibinilanggo ko siya sa aking mga bisig.
Ulit-ulit ko siyang hinagkan sa lilim ng walang-hanggang langit.

Minahal niya ako, paminsan-minsan ko rin siyang minahal.
Sino ang hindi iibig sa kaniyang malalaki't mga matang tahimik?

Maisusulat ko ang pinakamalungkot na berso ngayong gabi.
Maiisip kasing hindi na siya akin. Madaramang wala na siya sa akin.

Maririnig ang gabing malawak, at mas lumalawak kung wala siya.
At pumapatak sa kaluluwa ang bersong tila hamog sa pastulan.

Maano kung hindi siya mabantayan ng aking pag-ibig.
Mabituin ang gabi at hindi siya kapiling.

Ito na ang lahat. May umaawit sa malayo. Sa malayo.
Hindi mapanatag ang kaluluwa ko sa pagkawala niya.

Upang waring ilapit siya, hinahanap siya ng aking mata.
Hinahanap siya ng aking puso, at hindi siya kapiling.

Ganito rin ang gabing nagpapusyaw sa ganito ring mga punongkahoy.
Kami, sa tagpong iyon, ang nagbago.

Hindi ko na siya mahal, natitiyak ko, ngunit minahal ko siya nang todo.
Hinahanap ng tinig ko ang simoy upang hipuin ang kaniyang pandinig.

Nasa iba. Siya'y nasa iba. Tulad noong katalik siya ng aking mga halik.
Ang kaniyang tinig, malinaw na katawan. Ang kaniyang matang walang-hanggan.

Hindi ko na siya mahal, natitiyak ko, ngunit baka mahal ko siya.
Napakaikli ng pag-ibig, napakahaba ng paglimot.

Dahil sa mga gabing ganito na ibinilanggo ko siya sa aking mga bisig
hindi mapanatag ang kaluluwa ko sa pagkawala niya.

Kahit ito na ang huling pighating ipapataw niya sa akin,
at ito ang huling mga bersong isusulat ko para sa kaniya.



"Puedo Escribir" ni Pablo Neruda salin ni Virgilio Almario

No comments: